Aking Kasaysayan at Mabuting Balita
Mga Core Values - Part 6 • Gawa 26:1-32 • December 5, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM
Sermon Introduction
Nang si Pablo ay dumalaw sa Jerusalem, ang mga Judio ay nagpasimula ng isang kaguluhan at humihiyaw ng kamatayan para sa kanya. Kaya’t ang mga Romanong sundalo ay inilagay si Pablo sa kanilang proteksiyon dahil sa kaguluhan. Isinalaysay ni Pablo ang kanyang kasaysayan sa harap ng maraming tao. Inilarawan niya kung sino siya dati at kung paano siya tinawag ng Diyos (22:1-21).
Gayunman, ang mga tao ay inakusahan siya at hiniling ang kanyang kamatayan. Siya’y dinala ng mga sundalo sa ilang matataas sa tungkuling opisyal hanggang dumating ang sandali na makaharap niya si Haring Agripa. Ginamit ng apostol ang pagkakataong ipahayag ang kanyang kasaysayan at ipangaral ang ebanghelio habang pinabubulaanan ang paratang ng mga tao para sa kanyang pagtatanggol.
Eddie Labios Jr.
Pastor
Gawa 26:1-32 MBBTAG
Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”
Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:
2 “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio 3 sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.
4 “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. 5 Matagal na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. 6 At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! 8 Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?
9 “Akala ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”
12 “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. 14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. 16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. 18 Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’”
19 “Dahil dito, Haring Agripa, hindi po ako sumuway sa pangitaing mula sa langit. 20 Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. 21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at pinagtangkaang patayin. 22 Ngunit hanggang ngayo'y tinutulungan ako ng Diyos, kaya't nakatayo ako ngayon dito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, hamak man o dakila. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, 23 na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”
29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. 31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” 32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”
Notes
Nang si Pablo ay dumalaw sa Jerusalem, ang mga Judio ay nagpasimula ng isang kaguluhan at humihiyaw ng kamatayan para sa kanya. Kaya’t ang mga Romanong sundalo ay inilagay si Pablo sa kanilang proteksiyon dahil sa kaguluhan. Isinalaysay ni Pablo ang kanyang kasaysayan sa harap ng maraming tao. Inilarawan niya kung sino siya dati at kung paano siya tinawag ng Diyos (22:1-21).
Gayunman, ang mga tao ay inakusahan siya at hiniling ang kanyang kamatayan. Siya’y dinala ng mga sundalo sa ilang matataas sa tungkuling opisyal hanggang dumating ang sandali na makaharap niya si Haring Agripa. Ginamit ng apostol ang pagkakataong ipahayag ang kanyang kasaysayan at ipangaral ang ebanghelio habang pinabubulaanan ang paratang ng mga tao para sa kanyang pagtatanggol.
Ang Salaysay ni Pablo Tungkol sa Sarili
Ginamit ni Pablo ang sariling kasaysayan upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang. Ang kwento ni Pablo ay bahagi ang (a) ang dati niyang buhay (9-11), (b) ang pagbabagong pananaw sa buhay (12-18), at (c) ano ang kanyang ginawa pagkaraan o pagkatapos, na siya ay mangaral ng pagsisisi at mamuhay ng naaayon sa pagsisisi (19-21).
Ang dating buhay ni Pablo (9-11)Ang Pagbabagong pananaw ni Pablo (12-18)
Ang pagkaraan sa bagong pananaw ni Pablo (19-21)
Ang Pahayag ni Pablo Tungkol sa Ebanghelio
Sinabi ni Pablo na tinupad ni Cristo ang isinulat ni Moises at ng mga Propeta sa Lumang Tipan. Ipinahayag ni Pablo ang pagtitiis at muling pagkabuhay ni Cristo. At ang Ebanghelio ay magbibigay liwanag sa Judio at Hentil (22-23).
Ang Tugon ng mga Nakinig sa Ebanghelio
Ang kagalang galang na Festo at haring Agripa ay hindi positibong tumugon sa ebanghelio.
Iniisip ni Festo na si Pablo ay nababaliw, at inihinto naman ng hari ang pagtatangka ni Pablo na hikayatin siya (24-29). Gayunman, ang konseho ay walang makitang mali o maipaparatang kay Pablo (30-32).
Ang inisip ni Festo na baliw si Pablo (24-25)Ang paghihikayat ni Pablo sa haring Agripa (26-28)
Ang katiyagaan ni Pablo upang umapela sa Emperador (29-32)
Pagsasabuhay
Ibahagi ang Iyong Kasaysayan
Isulat ang maiksing kwento ng iyong buhay. Magsimula sa isang simpleng balangkas: (a) ano ang dati kong buhay (b) ano ang pagbabagong naganap sa akin dahil sa ebanghelio, (c) ano ako ngayon at ano ang aking ginagawa ngayon. At pagkaraan ay umpisahang ibahagi ang iyong kasaysayan.
Ipangaral ang Ebanghelio
Ipangaral ang mga sumusunod: (a) Si Cristo ang katuparan sa plano ng Diyos upang iligtas ang maraming kaluluwa. (b) Si Cristo ang nagbata’ ng hatol na tayo ang dapat dumanas at Siya’y namatay bilang alay sa ating mga kasalanan. (c) Si Cristo ay nabuhay na muli mula sa kamatayan, (d) at ang lahat ay dapat manalig sa ebanghelio at mangagsisi sa kanilang mga kasalanan.
Obserbahan ang Tugon
Marami ang hindi positibong tutugon sa panawagang magsisi at manampalataya. Huwag panghinaan ng loob. Diyos ang nag-aakay ng mga tao patungo kay Cristo, hindi tayo. Ang ating tungkulin ay ipahayag ang ebanghelio. Ngunit kung ang mga nakikinig ay magsisi at sumampalataya, ito ang pagkakataon na sila’y anyayahan natin sa pag-aaral ng salita ng Diyos.
Talakayan at Pagninilay-nilay
Anong buhay meron ka bago mo mapakinggan ang ebanghelyo?
Ano ang naging kaganapan sa iyong buhay na naging sanhi na ikaw ay nagsisi at nanalig sa Dios?
Ano ang nangyari matapos mong marinig ang Ebanghelyo? Ano ang ginagawa mo ngayon? Ano ang pagkakaiba?
Sa paanong paraan mo ipinapahayag ang Ebanghelyo?