Ipangaral ang Ebanghelio

Mga Core Values - Part 7 • Lucas 24:44-47 • December 12, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Pagkaraan ng Kanyang muling pagkabuhay, ang Panginoon ay nagpakita sa Kanyang mga alagad. Ipinakita ang muling nabuhay Niyang katawan upang ang mga alagad ay aliwin at maibsan ang kanilang mga pagdududa. Tinanong din sila ng Panginoon kung mayroon bang makakain. At binigyan ng mga alagad ng lutong isda ang Panginoon. Marahil ay kinain Niya ang isda upang patunayan na Siya ay naroon at hindi isang espiritu lamang (Lucas 24:36-43).

Pagkatapos kumain, inihayag ng Panginoon ang mensahe at ang misyon. Una, ang mensahe ng Mabuting Balita, at pangalawa, ang misyon upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Lucas 24:44-47 MBBTAG

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”

45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem.

Notes

Pagkaraan ng Kanyang muling pagkabuhay, ang Panginoon ay nagpakita sa Kanyang mga alagad. Ipinakita ang muling nabuhay Niyang katawan upang ang mga alagad ay aliwin at maibsan ang kanilang mga pagdududa. Tinanong din sila ng Panginoon kung mayroon bang makakain. At binigyan ng mga alagad ng lutong isda ang Panginoon. Marahil ay kinain Niya ang isda upang patunayan na Siya ay naroon at hindi isang espiritu lamang (Lucas 24:36-43).

Pagkatapos kumain, inihayag ng Panginoon ang mensahe at ang misyon. Una, ang mensahe ng Mabuting Balita, at pangalawa, ang misyon upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa.

  1. Ang Katuparan ng Lumang Tipan

    Inumpisahan ng Panginoon ang kanilang pagkaunawa mula sa Banal na Kasulatan. Ipinaliwanag ang katuparan Niya ng mga sinulat ni Moises, ng mga Propeta, at ang mga nakasulat sa Mga Awit. Sa ibang salita, ang mga pangyayari at kaganapan ay batay sa plano ng Diyos (24:44-45). Kaya’t malinaw na ang Cristo ang sentro o diwa ng Kasulatan.

  2. Ang Pagtitiis, Kamatayan, at Pagkabuhay na Muli

    Ipinaliwanag ng Panginoon batay sa Kasulatan, na ang Cristo ay dapat danasin ang pagtitiis, kamatayan, at sa ikatlong araw ay babangon mula sa mga patay (24:46). Nasaksihan ng mga alagad ang ganitong pangyayari (24:48), kaya nga ito ang naging puso o diwa ng mensahe ng Mabuting Balita.

  3. Ang Pagsisisi para sa Kapatawaran

    Ginawang malinaw ng Panginoon sa Kanyang mga alagad na dapat ipangaral ang pagsisisi para makamtan ang kapatawaran. At kanila itong ipahahayag sa lahat ng mga bansa (24:47). Ang pagsisisi ay nangangahulugan ng pagbabago ng isip at emosyon; binabaligtad nito ang direksiyon.

Pagsasabuhay

  1. Ipangaral na si Cristo ang katuparan.

    Natupad ni Cristo ang mga sinulat ni Moises, ibig sabihin ay ang Kautusan sa Lumang Tipan. Nisakatuparan Niya ang mga nakasulat sa Awit at sinulat ng mga Propeta, na nakaugnay sa mga propesiya. Sa ibang salita, si Cristo ang pinaka-sentro o pinaka-diwa sa plano ng Diyos.

    Kaya nga, dapat taglayin natin ang isang pananaw na tanging si Cristo ang diwa ng Lumang Tipan. Sa iba ay tinatawag itong “Torah”, nakikita natin ang anino ng Cristo sa tabernakulo at sa iba’t ibang seremonya. Sa Mga Awit at mga Propeta, nakikita natin ang mga hula kaugnay sa Mesiyas.

  2. Ipahayag ang puso o diwa ng Mabuting Balita (Ebanghelio)

    Ano ang puso ng Ebanghelio? Ang diwa nito ay ang pagtitiis, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesu Cristo. Kung kaya’t, marapat na Siya ang sentro ng ating pagpapahayag at pangangaral. Ang ebanghelio ay tungkol kay Cristo, hindi sa atin, o maging ang Kanyang mga pagpapala man. Ito ay ang Kanyang ginawa.

  3. Ipahayag ang Pagsisisi

    Ang panawagan sa pagsisisi ay ang panawagan ng pagbabalik loob at sumunod kay Cristo. Kasama dito ang pagbabago ng pananaw tungkol sa kasalanan, sa sarili, at pagiging makadiyos. Ang mga nagsisisi ay nagkakamit ang kapatawaran sa kanilang kasalanan. Subalit sa mga ayaw at hindi magsisi ay hindi makakamtan ang kapatawaran. Kundi kapahamakan!

Talakayan at Pagninilay-nilay

  1. Ano ang puso o diwa ng ebanghelio?

  2. Ano ang dapat nating ipahayag pagkaraang ipahayag ang puso ng ebanghelio?

  3. Paano tayo gagawa ng mga pagkakataong magpahayag sa pamilya, kaibigan at mga kakilala?