Sermon Overview
Sisimulan natin ang bagong serye sa aklat ng Exodo sa unang kabanata ng aklat, “Pinagpala Ngunit Pinag-Uusig”.
Doy Sto. Domingo Elder
Exodo 1 MBBTAG
1 Ito ang mga anak ni Jacob na kasama niyang pumunta sa Egipto, kasama ang kani-kanilang sambahayan: 2 sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, 3 Isacar, Zebulun, Benjamin, 4 Dan, Neftali, Gad at Asher; 5 silang lahat ay pitumpu. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto noon. 6 Paglipas ng panahon, namatay si Jose, ang kanyang mga kapatid at ang kanilang salinlahi. 7 Ngunit mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain.
8 Lumipas ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. 10 Kailangang gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa[a] ating lupain.” 11 Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. 12 Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. 13 Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang 14 pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid.
15 Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: 16 “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” 17 Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. 18 Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?”
19 “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. 20 Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. 21 Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. 22 Iniutos naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Notes
Ang Exodo ay ang karugtong ng Genesis. Pinaniniwalaan na si Moises ang may akda sa malaking bahagi ng buong aklat. Ang pitumpung nangibang-bayan sa protektadong “sinapupunan” (lugar) sa Ehipto ay lumago, marahil dalawa hanggang tatlong milyong katao. Sila’y naging isang bansa na taglay ang mga kautusan. Ang Exodo ay pinaniniwalaang naganap noong 1446 BCE ngunit may mga ibang nagsasabi na ito’y 1290 BCE.
Ang salitang “Exodo” ay literal na may kahulugan: “labasan”, o “pagtakas”, o “pag-alis”. Nakatala sa aklat na ito ang kapangyarihan ng Diyos, ang Kanyang pagliligtas, ang pangalan ng Diyos, ang Kanyang batas, at kung paano dapat sinasamba ang Diyos.
Ang aklat ay nagpapakita na kontrolado ng Diyos ang lahat. Gagamitin ng Diyos ang bagong hari upang maganap ang Kanyang layunin. Ang bagong hari ay hindi pinahahalagahan ang kasaysayan sapagkat hindi niya ito nalalaman dahil hindi niya kilala si Jose o ito’y isang bagong kaharian na walang pakialam sa kasaysayan.
Nangamba ang bagong hari sa lumalagong populasyon ng Israel. Pinaghihinalaan ng mga Egipcio na ang Israel ay higit na lalakas sa kanila. Pinangangambahan nila na ito’y magiging isang malaking hukbong militar ng aanib sa kanilang mga kalaban. Na hindi naman gagawin ng Israel.
Kaya’t ang bagong hari ay naglagay ng mga mababagsik na katiwala sa mga Israelita at sila’y sapilitang ginamit sa pagtatayo ng mga siyudad. Pilit na pinagagawa ng mga katiwala ang mga Israelita ng itsa at mga sangkap nito at mabibigat na gawaing bukid. Gayunman, patuloy sa pagdami ang mamamayan ng Israel kahit labis sa pag-gawa at dumaranas ng kalupitan sa mga Egipcio.
Ipinag-utos ng bagong hari sa mga hilot na Egipcia na patayin ang mga bagong silang sa sanggaol na lalaki. Subalit natakot sa Diyos ang mga hilot at ibinalita sa hari na malalakas ang mga babaeing Israelita, sinabi niya na nakalabas na ang mga bata mula sa ina nito bago sila dumating. Kaya’t ipinag-utos ng hari na itapon sa Ilog Nilo ang mga sanggol na lalaki.
Mga Aral
Asahan ang mga pagpapala mula sa Diyos ngunit ganundin na asahang may mga taong nagbabanta lalo na ang taong may kapangyarihan sa lipunan. Ang iba sa kanila ay maaaring gumawa ng mga bagay upang ikasira o ikapahamak natin.
Asahan ang patuloy na pagpapala ng Diyos kahit dumaranas ng kapighatian sa buhay. Ang Diyos ay patuloy na gumagawa. Ang Kanyang plano ay patuloy na namumukadkad. Kailangan lamang natin ay katiyagaan.
Ang Diyos ay magpapadala ng tulong. Magtiwala sa Diyos kahit mawala ang mga taong mahalaga sa iyo o anumang bagay na taglay mo. Mas mainam na magtiis kaysa humantong sa mas mahirap na katayuan.
Ang paniniil ng Ehipto ay tulad ng paniniil ng kasalanan sa ating kaluluwa. Manalig kay Cristo para sa ating kaligtasan.