Go to Part 4

 Pagtatanggol at

Pagtakas ni Moises

Aklat ng Exodo - Part 3 • Exodo 2:11-22 • Hulyo 7, 2019 • Makinig sa Spotify

 
Exodus E3 Tagalog.png

Sermon Overview

Pagkatapos patayin ang isang taga-Ehipto, lumayas si Moises at nanirahan sa kasukalan ng 40 na taon kung saan inihanda siya ng Diyos at pinerpekto niya ang kaniyang karakter para sa trabahong nakatalaga sakaniya.

Arnel Rivera Pastor

 
 
 

Exodo 2:11-22 MBBTAG

11 Nang binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. 12 Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin. 13 Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”

14 “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. 15 Nakarating ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.

Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. 16 Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. 18 Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?”

19 “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila.

20 “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises.

21 Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. 22 Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom ang batang ito.”

Notes

Tungkulin ng Diyos na laging ihanda ang Kanyang lingkod. Si Moises ay isinilang sa panahon ng krisis, ngunit iningatan siya ng Diyos. Ang sariling ina ang nagpalaki sa kanya kasabay ng pahiwatig na pahalagahan ang sariling lahi bilang Hebreo. Tinuruan siya ng Diyos sa ilalim ng mga Egipcio. Kaya’t natuto sa mga kaparaanan ng Egipto.

Si Moises ay nagtungo sa Midian upang mamuhay doon bilang pastol sa mahabang panahon. Ang mahabang panahon ng pagiging pastol ang nag alis ng kanyang tiwala sa sarili, na manunumbalik naman pagkaraan ng ilang panahon. Subalit ang pinakamahalaga, ang sariling karanasan ang magtuturo sa kanya ng kapakumbabaan. Hindi na siya ang itinuturing na anak ng Princesang anak ni Faraon. Siya ang dating takas, ang pastol, at ang manugang ni Jetro. At sa mata ng Diyos, ang instrumento na magliligtas sa Israel mula sa Egipto.

  1. Si Moises ay bumisita sa mga kapwa Hebreo at nakit niya ang paghihirap nila. Nakita din niya ang mananakit ng isang Egipcio sa isang Hebreo. Pagkaraang tiyakin na walang makakakita, pinatay ni Moises ang Egipcio. Ang paghahangad ni Moises na iligtas ang mga kababayan ay malinaw na tanda sa kanyang hangarin.

  2. Sa sumunod na araw ay ginawa ni Moises ang maging tagapamayapa sa pagitan ng dalawang nag-aalitang Hebreo. Natuklasan niya na may nakakita ng insidente sa kanyang pagpatay ng tao. Natuklasan ito ni Faraon at nagdesisyon na hulihin at parusahan si Moises. Kaya’t tumakas si Moises patungo sa Midian. Marahil na hindi kailanman pinahintulutan ni Faraon ang anak sa pag-aampon kay Moises.

  3. Sa Midian ay ipinagtanggol ni Moises ang pitong babae laban sa mga pastol na nakikipagtalo dahil sa tubig. Ang kanilang amang si Reuel, na tinatawag ding Jetro, ay nalaman ang nangyari sa mga anak at inanyayahan si Moises na manatili. Ibinigay ni Reuel si Zipora kay Moises upang maging asawa. Nagkaanak si Moises kay Zipora at binigyan niya ang pangalang Gershom.

Mga Aral

  1. Inilagay ng Diyos sa ating puso ang banaag ng Kanyang plano ngunit kailangan nating matutunan ang maging matiyaga. Matiyagang hintayin ang takdang panahon ng Diyos. Huwag magmamarunong na alam natin and takdang panahon ng Diyos. Kinakailangan ay magbigay panahon sa pananalangin at pagninilay-nilay.

  2. Hindi lahat ay tatanggapin ang ating magagawa o kabutihang loob natin. Ang iba doon ay maaaring magamit laban sa ating mga sarili. Ganunpaman, mahalaga ang pagtitiwala sa plano ng Diyos. Patuloy na pinasisilayan ng Diyos sa bawat isa ang Kanyang plano sa ating buhay. Tanggapin man o hindi ng ibang tao ang ating kabutihang loob, ay patuloy na mahahayag ang plano ng Diyos.

  3. Manatiling gumawa ng mabuti sa kapwa. Ang binhi ng kabutihan ay magbubunga ng mga pagpapala. Pagpapalain tayo ng Diyos sa Kanyang paraan at sa Kanyang itinakdang panahon. Ito’y maaaring humantong sa susunod na yugto ng itinakda ng Diyos sa ating buhay.