Espiritu Laban sa Laman

Galatian Liberty • Galacia 5:16-18 • Agosto 7, 2022 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Si Pablo, ang apostol ay nagbabala na ang kalayaan kay Cristo ay hindi dapat gamiting oportunidad para magkasala. At kung ang mga taga-Galacia ay magkakagatan at mag-away away sa isa’t isa, sila ay mawawasak. Sa halip, hinikayat ni Pablo na sila’y magmahalan at kanyang binanggit ang turo
ni Cristo at aral mula sa Levitico 19:18.

Bagama’t binanggit ni Pablo ang bahagi ng kautusang moral, ang pagpapawalang-sala ay hindi sa pamamagitan ng pag-ibig kundi pananampalataya, ang Espiritu ay gumagawa sa pamamagitan nila. Muli,
ang ibigin ang kapwa tulad ng pag-ibig sa sarili ay hindi nagbibigay-katuwiran sa sinuman. Ngunit kung ang isa ay inaring-ganap, ang taong iyon ay magpapakita ng pag-ibig ayon sa Banal na Kasulatan.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Galacia 5:16-18

16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.

Notes

Si Pablo, ang apostol ay nagbabala na ang kalayaan kay Cristo ay hindi dapat gamiting oportunidad para magkasala. At kung ang mga taga-Galacia ay magkakagatan at mag-away away sa isa’t isa, sila ay mawawasak. Sa halip, hinikayat ni Pablo na sila’y magmahalan at kanyang binanggit ang turo ni Cristo at aral mula sa Levitico 19:18.

Bagama’t binanggit ni Pablo ang bahagi ng kautusang moral, ang pagpapawalang-sala ay hindi sa pamamagitan ng pag-ibig kundi pananampalataya, ang Espiritu ay gumagawa sa pamamagitan nila. Muli, ang ibigin ang kapwa tulad ng pag-ibig sa sarili ay hindi nagbibigay-katuwiran sa sinuman. Ngunit kung ang isa ay inaring-ganap, ang taong iyon
ay magpapakita ng pag-ibig ayon sa Banal na Kasulatan.

  1. Lumakad ayon sa Espiritu

    Nilinaw ni Pablo na ang pamumuhay sa Espiritu ay hindi binibigyang puwang ang tawag ng laman. Ang pahayag ay nagpapahiwatig na kung ang isang tao ay hindi lalakad sa pamamagitan ng Espiritu, ang taong iyon ay magbibigay kasiyahan sa mga pagnanasa ng laman (5:16).

    16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan
    ang mga pagnanasa ng laman.

  2. Laman laban sa Espiritu

    Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga nasa ng laman, ang pagpapatangay sa kasalanan, ay laban sa mga nasa ng Espiritu. At ang mga nasa ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Ang gawa ng laman ay sisikaping pigilan ang mananampalataya na gawin ang dapat gawin (5:17).

    17 Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin.

  3. Pinangunahan ng Espiritu

    Pagkaraan ay binalikan ni Pablo ang paksa tungkol sa Espiritu at Kautusan, na kung
    ang sinuman ay pinapatnubayan ng Espiritu, ang taong iyon ay wala na sa ilalim ng kautusan. Gaya ng mga taong inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya
    ay wala na sa ilalim ng kautusan (5:18).

    18
    Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.

Application

  1. Lumakad Ayon sa Espiritu

    Kung namumuhay tayo ayon sa Espiritu, hindi natin bibigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman. Ano ang ibig sabihin ng lumakad ayon sa Espiritu? Sa mga nagdaang pahayag, tinukoy ni Pablo ang kaugnayan sa pagitan ng Espiritu at pananampalataya. Kaya, nangangahulugan ito ng paglalakad o pamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

  2. Kamalayan ng Magkasalungat na Kapangyarihan

    Dapat nating mabatid na ang pagnanasa ng laman ay laban sa Espiritu at
    ang pagnanasa ng Espiritu ay laban sa laman. Bagaman sa pamamagitan ng pananampalataya tayo ay inaring-ganap, may nananatiling naglalaban sa ating kalooban.

  3. Patnubay Ayon sa Espiritu

    Ang Espiritu ay pumapatnubay at gumagabay sa sinumang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Tulad ng sinumang pinatawad sa pamamagitan
    ng pananampalataya ay wala sa ilalim ng kautusan, ang sinumang pinapatnubayan
    ng Espiritu ay wala sa ilalim ng kautusan. Huwag nating hayaan na ang kautusan
    ay pangunahan tayo kundi ang Espiritu.

Reflection & Discussion

  1. Paanong hindi natin dapat pagbigyan ang mga pita ng laman?

  2. Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya at ng Espiritu at ng kautusan?

  3. Ano ang pumipigil sa atin na gawin ang dapat nating gawin?