Kung Ano ang Mahalaga

Galatian Liberty • Galacia 6:14-18 • Setyembre 18, 2022 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Inusisa ni Pablo ang motibo ng mga huwad na tagapagturo. Sila’y nagtuturo ng pilipit na ebanghelyo upang maiwasan nila ang persekusyon o pag-uusig. Inihayag din ni Pablo ang kanilang pagkukunwari tungkol sa sapilitang pagtutuli sa iba, subalit sila mismo ay hindi sinusunod ang kautusan. Ang kanilang layunin ay upang magyabang tungkol sa pagkakaroon ng mga proselita (mga taong naakay nila).

Gayunman, ipapaliwanag ni Pablo na ang tamang pagyayabang ay upang ipagmalaki ang krus ng Panginoong JesuCristo. Itinuon ni Pablo ang mga taga-Galacia sa kung ano ang tunay na mahalaga: ito ang pagiging bagong nilalang kay Cristo. Saka niya isasara ang kanyang liham na humihiling sa mga taga-Galacia na huwag nang gumawa muli ng mga suliranin. 

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Galacia 6:14-18

14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos. 17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus. 18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong
Jesu-Cristo. Amen.

Notes

Inusisa ni Pablo ang motibo ng mga huwad na tagapagturo. Sila’y nagtuturo ng pilipit na ebanghelyo upang maiwasan nila ang persekusyon o pag-uusig. Inihayag din ni Pablo ang kanilang pagkukunwari tungkol sa sapilitang pagtutuli sa iba, subalit sila mismo ay hindi sinusunod ang kautusan. Ang kanilang layunin ay upang magyabang tungkol sa pagkakaroon ng mga proselita (mga taong naakay nila).

Gayunman, ipapaliwanag ni Pablo na ang tamang pagyayabang ay upang ipagmalaki ang krus ng Panginoong JesuCristo. Itinuon ni Pablo ang mga taga-Galacia sa kung ano ang tunay na mahalaga: ito ang pagiging bagong nilalang kay Cristo. Saka niya isasara ang kanyang liham na humihiling sa mga taga-Galacia na huwag nang gumawa muli ng mga suliranin. 

  1. Wastong Pagyayabang

    Isinulat ni Pablo na, hindi tulad ng mga huwad na tagapagturo na nagyayabang sa pagtutuli ng mga Hentil, siya ay nagyayabang lamang tungkol sa krus ni Cristo. Si Pablo ay maaaring magyabang tungkol sa maraming bagay bilang isang Judio, ngunit ang gayong makamundong pagmamapuri ay ibinibilang niyang patay na sa kanya (6:14). 

    14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo.

  2. Higit na Mahalaga

    Ipinaliwanag ni Pablo ang kanyang posisyon, na pagdating sa pagpapawalang-sala at pagiging-matuwid, tuli o ‘di tuli ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagiging bagong nilalang kay Cristo, na dinadala ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya (6:15-16).

    15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.

  3. Huling Pangungusap

    Nais ni Pablo sa mga taga-Galacia na huwag nang dagdagan pa ang kanyang paghihirap. Ang “mga suliranin” sa konteksto ng liham ay nangangahulugan ng paniniwala sa pilipit na ebanghelyo at paniniwala sa mga kasinungalingan tungkol sa kanya. Pinatunayan niya ang kanyang sinseridad sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga pilat sa kanyang katawan sanhi ng mga pag-uusig (6:17-18).

    17 
    Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus. 18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong
    Jesu-Cristo. Amen.

Application

  1. Ipagmalaki si Cristo

    Ating ipagyabang ang tungkol kay Cristo lamang at sa Kanyang ginawa sa krus ng kalbaryo, na ang ibig sabihin ay namatay Siya dahil sa ating mga kasalanan. At ating iwasan ang pagmamapuri tungkol sa ating mga sarili, ang mabubuti nating ginagawa, ang ating moralidad, ang ating ministeryo, at ating mga narating sa buhay.

  2. Tumutok sa Kung ano ang Mahalaga

    Ituon ang ating sarili sa kung ano ang higit na mahalaga. Ang mahalaga ay ang bagong nilikha kay Cristo, na dulot ng pananalig sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu. Iyon ay, kung ang ebanghelyo taglay natin ay ang ebanghelyo na walang mga pagbabaluktot.

  3. Huwag Maging Sanhi ng Gulo

    Huwag tayong maniwala sa baluktot o pilipit na ebanghelyo dahil magdudulot lamang ito ng problema sa mga tapat na lingkod. Labis silang nag-aalala tungkol sa ating pinananaligan o pinaniniwalaan. Sa halip, manatili tayong sumusuporta sa lahat ng mga tapat at mabuting nangangaral na nagtuturo ng tunay na ebanghelyo.

Reflection & Discussion

  1. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang isulat niya na ang tuli o di-tuli ay walang halaga?

  2. Anong “mga suliranin” ang tinutukoy ni Pablo? Paano natin ito mailalapat sa ating panahon ngayon?

  3. Paano natin ipagmamapuri tanging si Cristo lamang?