Pagsulong at Paglago

kay Cristo

Sulat sa Mga Hebreo - Part 10 • Mga Hebreo 5:11-6:3 • Enero 10, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Naipaliwanag ng may-akda ng Hebreo ang kahigitan ni Cristo laban sa Judaismo; Siya ay mas higit na mabuti sa mga propeta, sa mga anghel, kay Moises, Josue, at maging kay Aaron. Kaya’t ang may-akda ay nagwika ng mga babala sa mga sinulatan. Kanyang sinabi na marami pa sana siyang mahalagang ituturo sa kanyang sulat ngunit ang mga sinulatan ay mabagal umunawa. Dapat sana ay marami na sa kanila ang mga tagapagturo tungkol kay Cristo, ngunit sila’y lumilitaw na mga mahihina pa rin. Hindi makapagpaliwanag ng mas mahahalagang paksa ang may-akda dahil hindi pa kayang unawain ng mga sinulatan. Para silang mga sanggol sa kalagayang gatas pa ang kinakain sa halip ay matigas na pagkain. 

Ariel Brazal

Elder

 
 
 

Mga Hebreo 5:11-6:3 MBBTAG

5:11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapatsana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.

6:1 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan.3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.

Notes

Naipaliwanag ng may-akda ng Hebreo ang kahigitan ni Cristo laban sa Judaismo; Siya ay mas higit na mabuti sa mga propeta, sa mga anghel, kay Moises, Josue, at maging kay Aaron. Kaya’t ang may-akda ay nagwika ng mga babala sa mga sinulatan. Kanyang sinabi na marami pa sana siyang mahalagang ituturo sa kanyang sulat ngunit ang mga sinulatan ay mabagal umunawa. Dapat sana ay marami na sa kanila ang mga tagapagturo tungkol kay Cristo, ngunit sila’y lumilitaw na mga mahihina pa rin. Hindi makapagpaliwanag ng mas mahahalagang paksa ang may-akda dahil hindi pa kayang unawain ng mga sinulatan. Para silang mga sanggol sa kalagayang gatas pa ang kinakain sa halip ay matigas na pagkain. 

Ang mga sinulatang Judio ay dapat humakbang sa pagsulong at paglago mula sa panimulang aralin ng mga Judio tungkol kay Cristo. Sa halip ituon ang mga araling tradisyunal, sila ay dapat nagpapatuloy sa paglago. Sa wari’y, hindi lahat sa pamayanang Iglesia ng mga Judio ay mananampalataya. Marami ang mas higit na pinahahalagahan pa ang mga simulaing aralin tungkol kay Cristo. Marahil ang iba ay nakikisama lamang o nakikilahok lang nang wala ang tunay na pagsunod kay Cristo. 

  1. Tinukoy ng may-akda, na ang mga sinulatan ay mahirap turuan. Sila ay dapat tagapagturo na tungkol kay Cristo, ngunit nananatili silang hindi lumalago, gatas ang kailangan sa halip na matigas na pagkain. Ang mga sanggol ay hindi pamilyar sa salita ng katuwiran. (tal.11-14)

  2. Tinuruan sila ng may-akda na sila’y lumago mula sa katuruan ni Cristo sa Lumang Tipan; ito ay pagtalikod sa mga gawa na walang kabuluhan (mga gawa sa kautusan), tungkol sa pananampalataya sa Diyos, seremonya sa paglilinis, seremonya sa pagpapatong ng kamay, muling pagkabuhay mula sa mga patay, at ang hatol na walang hanggan (6:1-2).

  3. Tinagubilin ng may-akda na kanilang tigilan ang manatili sa anino ng nakaraan sa halip ay mag pokus lamang kay Cristo.  Sa kanyang salita na “kung loloobin ng Diyos,” ay makikita ang kanyang pagkilala sa Kadakilaan ng Diyos, higit at lalo na sa kaalaman ng salita (tal.3).     

Pagsasabuhay

  1. Maging handa na tayo ay matuto, unawain ang Magandang Balita. Kung hindi tayo matuto, mananatili lang tayo sa gatas sa halip na matigas na pagkain. Nangangailangan ito ng kahandaan sa pagpapasakop at pananatiling masunurin. Huwag maging matigas ang puso.

  2. Tayo’y magpatuloy sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Lumago din tayo sa isa’t isa at hindi ang mga kahinaan ng kapwa Cristiano ang bigyang pansin. Sa halip, pag-aralan natin nang mas malalim ang Salita ng Diyos upang tayo’y lumago, at lubos nating maunawaan ang mga biblikal na katotohanan laban sa mga maling katuruan. 

  3. Magpatuloy na kilalanin ang Kadakilaan ng Diyos na Siyang nagbibigay ng pang-unawa. Sa kalooban ng Diyos, lubos nating makilala si Cristo at tayo’y lumago sa espiriwal na kalagayan. Isulong natin na pag-aralan at ipamuhay ang Kasulatan, na ito’y pang-habangbuhay nating pagpupunyagi upang magwagi. 

Talakayan at Pagnilay-nilay

  1. Bakit nasabi ng may-akda na ang mga sinulatan ay mabagal maka-unawa?

  2. Ano ang dapat gawin ng mga sinulatan batay sa mga naipahayag ng may-akda? 

  3. Sa paanong paraan maipapamuhay ang mga aral na ito, ngayon?