Ang Plano ng Diyos sa Tao
Sulat sa Mga Hebreo - Part 4 • Mga Hebreo 2:5-18 • Setyembre 27, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM
Sermon Introduction
Ang may akda ng Hebreo ay ipinagdiinan na si Cristo ay higit sa mga propeta, at mas nakahihigit pa sa mga anghel. Tangi riyan ay ipinahayag din ng may akda na ang Anak ng Diyos ay Diyos din, dahil tinawag ng AMA na Kanyang Anak, ang Diyos. Ang Diyos na ito, sa maikling panahon ay ginawa na mas mababa sa mga anghel sa pamamagitan ng anyong tao. Ang Salita ng Diyos ay naging laman at dugo nang sa gayon ay mag-hirap, mamatay, at muling mabuhay. Upang magdala ng marami para sa kaluwalhatian, na sila’y tatawaging Kanyang mga kapatid na kalalakihan at mga kababaihan. Sa nakaraan, ang sumulat ng Hebreo ay nagbigay babala laban sa mga hindi nagpahalaga ng dakilang kaligtasan at ang bunga ay dagliang kasunod din nito. Kaya’t walang sinuman ang hindi dapat magbigay halaga sa Ebanghelio. Ang sumulat ay nagbigay karagdagang paliwanag sa plano ng Diyos para sa lahat ng Kanyang pinapaging-banal kay Cristo.
Eddie Labios Jr. Pastor
Mga Hebreo 2:5-18 MBBTAG
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. 6 Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:
“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha]
8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi niya sa Diyos,
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi rin niya,
“Ako'y mananalig sa Diyos.”
At dugtong pa niya,
“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.
Notes
Ang may akda ng Hebreo ay ipinagdiinan na si Cristo ay higit sa mga propeta, at mas nakahihigit pa sa mga anghel. Tangi riyan ay ipinahayag din ng may akda na ang Anak ng Diyos ay Diyos din, dahil tinawag ng AMA na Kanyang Anak, ang Diyos. Ang Diyos na ito, sa maikling panahon ay ginawa na mas mababa sa mga anghel sa pamamagitan ng anyong tao. Ang Salita ng Diyos ay naging laman at dugo nang sa gayon ay mag-hirap, mamatay, at muling mabuhay. Upang magdala ng marami para sa kaluwalhatian, na sila’y tatawaging Kanyang mga kapatid na kalalakihan at mga kababaihan. Sa nakaraan, ang sumulat ng Hebreo ay nagbigay babala laban sa mga hindi nagpahalaga ng dakilang kaligtasan at ang bunga ay dagliang kasunod din nito. Kaya’t walang sinuman ang hindi dapat magbigay halaga sa Ebanghelio. Ang sumulat ay nagbigay karagdagang paliwanag sa plano ng Diyos para sa lahat ng Kanyang pinapaging-banal kay Cristo.
Mula sa plano ng Diyos, sa darating na panahon, ang tao ay mamamahala sa mundo at hindi ang mga anghel. Sinipi ng may akda sa Aklat ng mga Awit 8 ang kanyang punto upang patunayan ito. Kahit nilikha ng Diyos ang tao na mas mababa kaysa mga anghel, hinirang ng Diyos na ang tao ang mamahala sa Kanyang mga nilalang, gayunman hindi pa natin ito nakikita ngayon (tal.5-8). Ang ating nakikita ngayon ay ang ginawa ni Cristo at ang Kanyang tinapos na gawa sa krus, na ito ang ating dakilang pag-asa.
Ang katuparan ng Awit 8 ay na kay Cristo. Ang Salita ay naging tao. Pagkaraan ay naranasan ni Cristo ang pagtitiis at kamatayan para sa lahat. Sa pamamagitan Niya ay dinala ang maraming kapatid para sa kaluwalhatian. Pareho, na ang nagbigay kabanalan (sanctifier) at ang mga banal (sanctified), ang mga hinirang ng Diyos, ay mula sa AMA; kaya nga’t ang tawag sa kanila ni Cristo ay Kanyang mga kapatid (tal.9-13).
Si Cristo ay nagkatawang tao upang Kanyang daigin ang kamatayan at ang diablo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Ang Anak ng Diyos ay pumarito upang tulungan ang tao at hindi ang mga anghel. Kailangan Niyang pagtiisan ang tukso upang tulungan ang sinumang tinutukso. Siya ang ating mahabagin at matapat na punong saserdote (tal.14-18). Ang Kanyang kamatayan ay sapat sa lahat subalit para lamang ito sa mga tunay na nananalig sa Kanya. Hindi lahat ng tao ay makikinabang sa Kanyang tagumpay dahil sa dahilan ng kanilang hindi pagsunod o pagtalima sa Kanya.
Pagsasabuhay
Sa pananampalataya, ating tingnan sa hinaharap ang mga pagsasakatuparan ng Diyos ng Kanyang plano para sa sangkatauhan. Itinakda Niya na ang mundong darating ay ipapailalim sa tao, hindi sa mga anghel. Gayunman, ito ay hindi para sa lahat ng tao kundi doon lamang sa mga taong pinapaging banal ni Cristo.
Tayo ay maghandog ng pasasalamat sa Diyos dahil sa pagtitiis, kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Si Cristo ay mula sa Diyos. Kung ang ating buhay ay ibinukod ng Diyos, tayo ay isinilang ng Diyos, hindi kagagawan ng tao. Tinatawag tayo ni Cristo na Kanyang mga kapatid na lalaki at babae.
Magtiwala tayo sa ating Dakilang Saserdote na namamagitan para sa atin at tumutulong sa pagharap natin sa tukso. Unawain natin na Siya’y nagtagumpay laban sa kamatayan at sa diablo. Hindi na natin kailangan pang matakot sa dalawang ito kapag tayo ay na kay Cristo na. Ngunit kung meron pagdududa sa iyong kaligtasan, tumawag ka sa Kanyang pangalan, pagsisisihan ang kasalanan at manalig sa Kanya nang lubusan. Hilingin mo sa Diyos na bigyan ka ng bagong puso na sa Kanya lamang matatagpuan.
Talakayan
Ano ang plano ng Diyos para sa tao?
Paano magaganap ang planong ito ng Diyos?
Paano nai-aangkop o nai-aakma ng paksang ito ang tema na si Cristo ay nakahihigit sa mga anghel?
Bakit hindi kailangang katakutan ng mga tunay na mananampalataya ang kamatayan at ang diablo??