Kabilang kay Cristo

Sulat sa Mga Hebreo - Part 43 • Mga Hebreo 13:10-14 • September 19, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Inihayag ng may-akda na si Jesu-Cristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman. Binalaan niya ang mga bumabasa ng sulat na iwasan ang matangay sa mga maling katuruan, sa halip, dapat silang magpakatatag sa kagandahang loob ng Diyos.

Hinihimok ng may-akda ang mga sumasampalataya na makiisa sa mga paghihirap ni Cristo, ang magtiis alang-alang sa Kanyang pangalan, at ang manatiling tapat kahit itakwil ng kapwa Judio. Ang anumang natamo ng mga sumasampalataya kay Cristo ay higit pa sa lahat nang iniaalok ng Judaismo o anumang bagay sa mga pang-relihiyong usapin.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Mga Hebreo 13:10-14 MBBTAG

10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating.

Notes

Inihayag ng may-akda na si Jesu-Cristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman. Binalaan niya ang mga bumabasa ng sulat na iwasan ang matangay sa mga maling katuruan, sa halip, dapat silang magpakatatag sa kagandahang loob ng Diyos.

Hinihimok ng may-akda ang mga sumasampalataya na makiisa sa mga paghihirap ni Cristo, ang magtiis alang-alang sa Kanyang pangalan, at ang manatiling tapat kahit itakwil ng kapwa Judio. Ang anumang natamo ng mga sumasampalataya kay Cristo ay higit pa sa lahat nang iniaalok ng Judaismo o anumang bagay sa mga pang-relihiyong usapin.

  1. Ipinaliwanag ng may-akda na mayroong dambana (Altar) ang mga mananampalataya, at kung sino si Cristo. Subalit sa sinumang naglilingkod sa Tabernakulo ay isang simbolo lang ng sistemang Levitikal, na hindi bahagi kay Cristo. Natupad ni Cristo ang Luma at pagkaraan ay itinatag Niya ang Bago (13:10).

    Ang sinumang nanunumbalik sa Judaismo ay hindi kabilang kay Cristo. Ang tanging daan kay Cristo ay sa biyaya o kagandahang loob ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang mga nagtitiwala sa pangrelihiyong seremonya ay hindi kabilang sa mga pangako ng Diyos kay Cristo maliban kung sila’y magbabalik kay Cristo sa huling sandali.

  2. Si Cristo sa Labas ng Bayan
    Ang hayop na inihahandog ay pinapatay sa Tansong dambana sa labas ng tolda bago mag-alay ng dugo ang mga saserdote sa loob ng Tabernakulo. Ang may-akda ay nagtagubilin sa mga mananampalatayang Judio na pumunta kay Cristo at mag-alay sa Kanya sa labas ng Judaismo (13:11-13).

    Ang dugo ni Cristo ang nagpapabanal sa mga sumasampalataya sa Kanya. Si Cristo ay namatay sa labas ng bayan, na maaaring sumisimbolo sa labas ng Judaismo. Hindi kailangan pa ng mga Judiong mananampalataya na mapabilang sa Judaismo, kundi sila’y dapat kabilang o kabahagi kay Cristo.

  3. Ang Lungsod o Bayan ni Cristo
    Ang may-akda ay nagpaala-ala sa mga sumasampalataya na panandalian lamang ang mga lungsod na nakikita dito sa lupa at sila’y hindi kabilang sa mundong ito. Gayunman, sila ay kabahagi sa lungsod sa hinaharap o darating, na ito’y lungsod ng Diyos na naroroon sa kalangitan (13:14).

    Inaakala ng mga Judiong mananampalataya na sila’y itinapon, o hindi kabahagi sa kanilang mamamayan. Subalit ang may-akda ay inaliw sila nang kanyang sabihin na sila ay kabilang sa lungsod o bayang darating, katulad ng lungsod kung saan si Abraham ay kabahagi at naroroon.

Pagsasabuhay

  1. Sambahin ang Kanyang pangalan Manatiling tapat sa mensahe ng Mabuting Balita. Ang mga pangako ng Diyos kay Cristo ay tanging kay Cristo lamang matatagpuan, wala sa Judaismo, hindi sa mga nagagawa ng kautusan, hindi sa pamamagitan ng personal na moralidad, hindi rin sa mga seremonyang pangrelihiyon, kundi sa pamamagitan ng pananalig tanging kay Cristo lamang.
    At ang sinumang taglay ang pananalig kay Cristo ay sumamba sa Ama sa Kanyang pangalan. Ang ating pagsamba ay sa espiritu at katotohanan, hindi sa mga seremonya ng kautusan, ni hindi sa mga pangrelihiyong seremonya na gawa ng tao, kundi sa puso na taglay ang pananalig ng may buong pusong paniniwala at pagtitiwala kay Cristo lamang.

  2. Hindi Kailangang Pilitin o Pagkasyahin ang Sarili Ang sinumang wala kay Cristo at sa sinumang hindi magiging kabilang kay Cristo ay hindi makakabahagi sa mga pangako ng Ama. Kung kaya’t hindi kailangan pagkasyahin o pilitin ang sarili para maging bahagi. Ang ating pagiging kabahagi ay na kay Cristo at sa pamayanan ng Kanyang Iglesia.
    Ang mga kaparaanan ng mundo ay hindi natin mga paraan. Kaya’t, hindi marapat at huwag hayaan na ang kulturang nakapaligid sa atin ang magtulak sa atin upang maki-ayon. Sa halip, panindigan at magtiwala sa salita ng Diyos sapagkat tayo ay kabilang kay Cristo.

  3. Tayo’y nakatingin sa lungsod sa langit kung saan tayo ay kabilang. Ito ay na kay Cristo na sa Kanya makikilala ang ating pagkakakilanlan. Kaya’t, manatili tayong tapat sa Kanya at sa Kanyang salita sa gitna ng mundong ito na maaaring matukso tayong mawalan ng pananalig. Sa Kanyang biyaya, tayo ay kay Cristo.
    Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, ang ating mga puso’t isipan ay nagiging lubos ang pagpapasakop sa Kanyang salita. Natatagpuan natin ang kapahingahan at kapayapaan ng ating kaluluwa sa pagiging kabilang kay Cristo. Ito ang dahilan kung bakit nagnanasa tayong ibahagi ang karanasang ito sa iba; at ito rin ang dahilan kung bakit ipinapahayag natin at sinusunod ang utos sa pag-aakay ng marami na sila ay maging alagad ni Cristo.anatili tayong magpakumbaba sa Kanya.