Kahigitan ni Cristo
kay Moises
Sulat sa Mga Hebreo - Part 5 • Mga Hebreo 3:1-6 • Oktubre 4, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM
Sermon Introduction
Sa unang bahagi ng sulat ay inihayag ng sumulat na si Cristo ay nakahihigit sa mga propeta at mga anghel. Inilantad din ng may akda na si Cristo ay mas higit na mabuti kesa kay Moises. Ngayon, si Moises ang pinaka respetadong imahe sa kasaysayan ng mga Judio. Para sa kanila, wala nang maihahalintulad kay Moises. Subalit sa mga desipulo ni Cristo, walang sinuman ang maipapantay kay Jesus.
Arnel Rivera Pastor
Mga Hebreo 3:1-6 MBBTAG
1 Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong] sambahayan ng Diyos. 3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. 4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. 5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. 6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.
Notes
Ang may-akda ng Hebreo ay nagpahayag na si Jesu Cristo ay Anak ng Diyos kung paanong Siya ay walang hanggan at Siya ay Diyos. Gayunman, isinalaysay din ng sumulat na si Cristo ay Sugo at Punong Saserdote para sa ating kaalaman. Ang Sugo ay isang kinatawan (ambassador). Si Cristo ang kinatawan ng langit tungkol sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bukod pa riyan, Siya rin ay ang Pinakapunong Saserdote. Ang punong saserdote na mula sa Diyos na namamagitan para sa mga mamamayan at naghahandog ng alay. Si Cristo ang kinatawan ng langit para sa sangkatauhan. Kung kaya’t, Siya rin ang kumakatawan sa mga taong ligtas sa ilalim ng kagandahang loob ng Diyos.
Sa unang bahagi ng sulat ay inihayag ng sumulat na si Cristo ay nakahihigit sa mga propeta at mga anghel. Inilantad din ng may akda na si Cristo ay mas higit na mabuti kesa kay Moises. Ngayon, si Moises ang pinaka respetadong imahe sa kasaysayan ng mga Judio. Para sa kanila, wala nang maihahalintulad kay Moises. Subalit sa mga desipulo ni Cristo, walang sinuman ang maipapantay kay Jesus.
Parehong si Cristo at Moises ay matapat sa kani-kanilang sambahayan. Si Cristo ang sa Iglesia at si Moises naman sa Israel. Subalit si Cristo ay taglay ang kaluwalhatian kesa kay Moises sapagkat ang Diyos ang lumikha ng parehong sambahayan, ang iglesia at ang bayang Israel (tal. 2-4). Si Cristo ay Diyos (kab.1:8).
Si Moises ay naging matapat sa Diyos bilang Kanyang lingkod na siyang nangalaga sa sambahayan ni Israel. Ngunit si Cristo ay naging matapat at mabuti bilang Anak ng Diyos, na Siyang nangangalaga sa sambahayan ng Diyos, ang iglesia (tal.5-6). Ang iglesia ay hindi gusali, kundi samahan ng mga pinapaging-banal ng Diyos.
Ang mga tunay na mananampalataya ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, ang Iglesia. Ang isang katibayan nito, sila’y sama-sama hanggang sa huli. Samakatwid, ang hindi tunay (fake) na mananampalataya ay maglalaho sa kanila ang Magandang Balita (Gospel) na kanilang narinig, subalit ang totoong mananampalataya ay mananatili at pinagyayaman ito hanggang wakas (tal.6).
Pagsasabuhay
Parehong Sugo at Punong Saserdote si Cristo sa ating kapahayagan. Siya ang kinatawan ng langit sa atin, at Siya din ang kumakatawan sa atin doon sa langit. Siya ang perpektong tagapamagitan (mediator). Kaya’t manatiling nakatuon kay Cristo lamang, at wala nang iba pa.
Luwalhatiin natin si Cristo kesa kay Moises. Purihin ang Diyos sa katapatan ni Moises sa pangangalaga niya sa sambahayan ng Israel, ang bansang hinirang kung saan isinilang ang ANAK. Gayunman, ating ituon ang ating perspektibo na si Cristo ay Diyos. Kaya nga, Siya ay nakahihigit sa lahat.
Manatili na tayo ay kabilang sa sambahayan ni Cristo, ang Kanyang komunidad ng mga mananampalataya, na kung saan ay sama-sama tayong lumalago at nagpapasakop sa isa’t isa kay Cristo. Ma-alarma tayo kung mas komportable na kasama ang iyong mga kaibigan sa mundong ito, sa halip ang komunidad ng mga sumasampalataya. Tayo’y manatili na panghawakan ang Ebanghelio at mapabilang sa sambahayang itinatag ni Cristo hanggang wakas.
Talakayan
Si Cristo ay parehong Sugo at Punong Saserdote sa ating kapahayagan. Ano ang kahulugan nito sa iyo?
Sino si Moises sa mga Judio? At sino si Cristo sa Kanyang mga tagasunod?
Ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ni Cristo at Moises?
Saan sa mga sambahayang ito tayo ay nabibilang? At atin bang maipapahayag ang ating pagiging bahagi sa tahanang ito?