Huwag Pagmatigasin

ang Ating Puso

Sulat sa Mga Hebreo - Part 6 • Mga Hebreo 3:7-19 • Oktubre 11, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Malinaw ang mensahe ng sumulat ng Hebreo. Si Cristo ay higit na mabuti kaysa Judaismo. Siya ay nakahihigit sa mga propeta at mga anghel, ganoon din ay mas higit kay Moises. Kahit maraming pagkakataon na sinabi ng may akda na si Cristo ay nakahihigit, makikita pa rin sa kanyang pahayag na si Cristo ay walang katulad. Kaya’t walang duda sa kanyang pahayag na si Cristo ay Diyos. Saan at paano nga ba siya maihahalintulad? Ang Diyos Ama ay tinawag siyang Anak, ang Diyos.

Arnel Rivera Pastor

 
 
 

Mga Hebreo 3:7-19 MBBTAG

Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,

“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
    huwag patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
    bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
    ‘Lagi silang lumalayo sa akin,
    ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
    ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”

12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito nga ang sinasabi sa kasulatan,

“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

16 Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Notes

Malinaw ang mensahe ng sumulat ng Hebreo. Si Cristo ay higit na mabuti kaysa Judaismo. Siya ay nakahihigit sa mga propeta at mga anghel, ganoon din ay mas higit kay Moises. Kahit maraming pagkakataon na sinabi ng may akda na si Cristo ay nakahihigit, makikita pa rin sa kanyang pahayag na si Cristo ay walang katulad. Kaya’t walang duda sa kanyang pahayag na si Cristo ay Diyos. Saan at paano nga ba siya maihahalintulad? Ang Diyos AMA ay tinawag siyang ANAK, ang Diyos.

Ang mga sinulatan ay binigyang babala tungkol sa hindi nila pagtugon sa napakadakilang mensahe ng kaligtasan. Ipinaliwanag ng may-akda ang mas malala na kaparusahan sa sinumang tatanggi sa kaligtasang mula sa Diyos. Gayunman, ipinahayag ng sumulat na si Cristo ay parehong Sugo at Pinakapunong Saserdote sa ating kapahayagan. Siya ang kinatawan ng langit para sa atin, at Siya ang kumakatawan sa atin sa Diyos batay sa Kanyang pamamagitan. At sa pamamagitan ni Cristo, marami ang nagiging bahagi sa sambahayan ng Diyos.

  1. Ang may-akda ay nagpaala-ala sa mga Cristianong Judio tungkol sa kanilang mga ninuno na pinagmatigas ang kanilang puso. Ginalit nila ang Diyos, at ang naging resulta, sila’y nagpagala-gala sa ilang. Ang mga taong matigas ang ulo ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos (tal.7-11, 15-19).

  2. Ang sumulat ay nagturo na bantayan nila ang isa’t isa at tiyakin na hindi dapat magpakasama, sapagkat ang kawalang pananalig sa puso ay magdudulot ng paglayo. Hinikayat na bawat araw ay pasiglahin ang loob ng isa’t isa na walang sinuman ang madaya at maakay sa pagiging alipin ng kasalanan (tal.12-13).

  3. Ang sumulat ay nagpaliwanag na tayo ay kasama ni Cristo kung mananatiling matatag hanggang wakas. Isang malinaw na senyales sa pagiging tunay na ligtas o hinirang ng Diyos ay ang pagpapakasakit o katiyagaan, na hindi hahayaang mapalayo at mananatili tayo kay Cristo anuman ang mangyari (tal.14).

Pagsasabuhay

  1. Ating pahalagahan ang mga babala ng sumulat ng Hebreo. Huwag pagmatigasin ang ating puso sa Salita ng Diyos. Ang sinumang nagmatigas ng puso ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos bagkus ay nagdusa sa ilang.

  2. Pahalagahan ang isa’t isa sa ating mga pagtitipon-tipon, sa maliliit nating grupo, at sa bawat pamilya. Magmalasakitan tayo at balaan ang isa’t isa na walang sinuman ang mapalayo kay Cristo. Kung hindi ay may dulot itong masamang bunga. Ang lahat ay dapat matakot sa Diyos.

  3. Tayo ay kasama ni Cristo kung mananatiling matiyaga hanggang wakas. Kaya’t panghawakan ang Mabuting Balita, at pagtagumpayan natin ang lahat sa pamamagitan ng Mabuting Balita. Ang sinumang hinirang ng Diyos ay handang magtiis at magtiyaga hanggang wakas.

Talakayan at Pagnilay-nilay

  1. Ang ang nangyari sa mga taong pinagmatigas ang puso doon sa ilang?

  2. Ilarawan ang mga taong pinatigas ang kanilang puso doon sa ilang?

  3. Sa anong paraan pinagmamatigas natin ang ating puso ngayon? Sabihin ito nang kahit tatlo.

  4. Bakit mahalaga na tayo ay magbantay sa isa’t isa at dapat na pasiglahin ang isa’t isa kay Cristo? Ano ang dapat nating binabantayan?

  5. Batay sa teksto, paano natin malalaman na tayo ay kasama ni Cristo?