Pumasok sa

Kapahingahan ng Diyos

Sulat sa Mga Hebreo - Part 7 • Mga Hebreo 4:1-13 • Oktubre 18, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Ang sumulat ng Hebreo ay nagbigay babala sa sinumang mabigo na hindi makapasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa hindi pananalig. Sila ang lahi na nagdusa dahil sa hustisya ng Diyos. Sa Kanyang poot, sila’y hindi nakapasok sa Kanyang kapahingahan. Sa mata ng Diyos ang kawalang pananalig ay kahinaan. Ito’y kasamaan na kinapopootan ng Diyos. kaya’t ang hustisya ng Diyos ay ibinagsak sa kanila. 

Eddie Labios Jr. Pastor

 
 
 

Mga Hebreo 4:1-13 MBBTAG

1 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,

“Sa galit ko'y aking isinumpa,
    ‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”

Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan.Kaya't muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,

“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”

Kung ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.

12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.

Notes

Ang sumulat ng Hebreo ay nagbigay babala sa sinumang mabigo na hindi makapasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa hindi pananalig. Sila ang lahi na nagdusa dahil sa hustisya ng Diyos. Sa Kanyang poot, sila’y hindi nakapasok sa Kanyang kapahingahan. Sa mata ng Diyos ang kawalang pananalig ay kahinaan. Ito’y kasamaan na kinapopootan ng Diyos. kaya’t ang hustisya ng Diyos ay ibinagsak sa kanila. 

Kaya nga ang may-akda ng Hebreo ay nagpaala-ala sa kanila na matakot habang may panahon pa. Karamihan sa kanila ay hindi tinanggap ang pangakong kapahingahan (tal.1). At ang pangakong kapahingahan ay matatagpuan sa Panginoong Jesu Cristo lamang, ang Anak ng Diyos, na tinawag ng Diyos, na Diyos.

  1. Ang may-akda ay nagpaliwanag tungkol sa sinumang nakapakinig ng Mabuting Balita ngunit walang natamong pakinabang. Ang dahilan, hindi sila sumampalataya. Ang kanilang natamo ay pagdurusa dahil sa kawalang pananampalataya, ito ang dahilan upang hindi makapasok sa kapahingahan ng Diyos. Subalit sa sinumang sumampalataya sa Mabuting Balita ang siyang nakakapasok sa kapahingahan ng Diyos. (tal.2-3).

  2. Ang may-akda ay nagpaliwanag ng konsepto ng Diyos sa kapahingahan. Sila ang lahing nabigo na tanggapin ang kapahingahan ng Diyos. Kahit na sila’y nakapasok sa lupang pangako sa pamamagitan ni Josue, hindi pa rin nila nakamit ang kapahingahan ng Diyos. Sapagkat sa sinumang tumanggap ng kapahingahan ng Diyos ay magpapahinga tulad ng Diyos sa ikapitong araw, ito ang pagtigil sa paggawa (tal.4-10). 

  3. Ang sumulat ay humihimok na magpakasipag sa pagpasok sa kapahingahan ng Diyos. dapat ay walang sinuman ang susunod sa halimbawa ng pagsuway, dahil ang salita ng Diyos ay tulad sa matalas na tabak na humahatol sa saloobin at kaloob-looban ng tao. At walang sinuman ang makapagtatago dahil uusigin ng hustisya ng Diyos ang lahat (tal.11-13). 

Pagsasabuhay

  1. Unawain natin ang Mabuting Balita kung paano tayo mananalig sa mga bagay na hindi natin madaling maunawaan. Marami sa atin ang nakaaalam sa Mabuting Balita o nakapakinig na nito, ngunit hindi natin ito sinasampalatayanan dahil hindi nauunawaan. Kapag nababatid natin ito sa ating puso, ganoon din na madali itong ipaliwanag batay sa Kasulatan. 

  2. Ngayon, tanggapin natin ang kapahingahan ng Diyos nang may pananalig sa Mabuting Balita. Huwag tularan ang mga taong hindi nakamit ang kapahingahan ng Diyos dahil sa kawalang pananalig. Ang kanilang pagsuway ang bunga ng walang pananalig, at ang kawalang pananalig ay ang pagsuway. Sa ating pagsunod ay sumisibol ang pananalig, na siyang magdudulot ng kapahingahan sa piling ng Diyos. 

  3. Magpakasipag tayo sa pagpasok sa Kanyang kapahingahan nang may pagkatakot sa Diyos. Kung tayo’y masuwayin, ang Kanyang salita na parang tabak na magkabilang talim ay ating malalasap at hahatulan tayo sa bawat saloobin natin. Huwag isiping ligtas at nakaiwas tayo kung hindi sumusunod sa Diyos. Susumbatan tayo ng makapangyarihang salita Niya saanman tayo magtago. Walang makatatakas sa Kanyang hatol. 

Talakayan at Pagnilay-nilay

  1. Ang may-akda ay nagpahayag tungkol sa mga taong nakapakinig ng Mabuting Balita ngunit hindi nakamit ang pakinabang nito. Ipaliwanag kung bakit.

  2. Paano ipanaliwanag ng may-akda ang konsepto ng Diyos ng kapahingahan? Ipaliwanag?

  3. Ang salita ng Diyos ay tulad sa tabak na magkabila ay talim (Hebreo 4:12). Ipaliwanag ang kahulugan nito batay sa pinakamalapit na konteksto. 

  4. Paano makapasok sa kapahingahan ng Diyos ang sinuman?