Trono ng Mahabaging Diyos
Sulat sa Mga Hebreo - Part 8 • Mga Hebreo 4:14-16 • Oktubre 25, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM
Sermon Introduction
Ang may akda ng Hebreo ay nagbigay babala sa kanyang sulat na pumasok tayo sa Kapahingahan ng Diyos, at sa ganoong kalagayan ay huwag sumunod sa halimbawa ng mga pagsuway, na ito ay kawalang pananalig. Ang lahing gumalit sa Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Ang dulot nito sa kanila ay ang pagsumpa ng Diyos na sila’y hindi makapapasok sa Kanyang kapahingahan.
Arnel Rivera Pastor
Mga Hebreo 4:14-16 MBBTAG
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Notes
Ang may akda ng Hebreo ay nagbigay babala sa kanyang sulat na pumasok tayo sa Kapahingahan ng Diyos, at sa ganoong kalagayan ay huwag sumunod sa halimbawa ng mga pagsuway, na ito ay kawalang pananalig. Ang lahing gumalit sa Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Ang dulot nito sa kanila ay ang pagsumpa ng Diyos na sila’y hindi makapapasok sa Kanyang kapahingahan.
Ang may akda ay nagpa-alaala sa mga Cristianong Judio na pumasok sila sa Kapahingahan ng Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pananalig. Kung hindi, ang salita ng Diyos ay tulad ng tabak na magkabila’y talas na tumatagos sa kanyang paghatol, at walang lugar na sila’y makapagtatago sa Kanya. Sa isang panig ay naroroon ang kapahingahan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo; at sa kabilang panig ay mararanasan ang walang kapahingahan ng kanilang kaluluwa.
Kaya nga, NGAYON, kapag narinig natin ang Kanyang tinig, huwag nating patigasin ang ating puso. Tayo’y manalig habang ang panahon ay NGAYON dahil bukas ay maaaring huli na.
Ang sumulat ng Hebreo ay muling nagpa-alaala sa mga bumabasa ng sulat na maging mahigpit ang paghawak sa kung ano ang kanilang pinananaligan. Sila’y manalig na si Cristo ang dakilang Pinakapunong Saserdote na umakyat sa langit, Siya ang Anak ng Diyos, at Diyos (tal.14)
Ang may-akda ay nagpahayag na si Cristo, ang dakilang Punong Saserdote na nakauunawa sa atin sapagkat Siya ang mataas na Saserdote na dumadamay sa atin. Dahil si Cristo ay tinukso rin sa iba’t ibang paraan tulad natin, subalit hindi Siya nagkasala kailanman (tal.15).
Ang may-akda ay humihikayat sa mga Cristianong Judio na lumapit ng may tapat na pananalig sa trono ng habag ng Diyos, na doon ay matatagpuan ang kalinga at biyaya na malaking tulong sa panahong kailangan natin ito (tal.16). Tandaan natin, na ito ay dahil kay Cristo na siyang Dakilang Punong Saserdote na nakauunawa sa atin.
Pagsasabuhay
Tayo’y lumapit at pagtibayin ang pananalig kay Cristo. Sa Kanya, tayo ay may dakilang Punong Saserdote na namamagitan sa atin sa Diyos. Ngunit ang wala kay Cristo, ang tabak na magkabila ay matalas at tayo’y hahatulan Niya at sinuman ay hindi makapagtatago sa Kanya (tal.12).
Ating pagyamanin ang kaalaman tungkol kay Cristo na Siya ang Punong Saserdote na umuunawa sa atin. Dinanas Niya ang tuksuhin tulad natin, ngunit hindi Siya nagkasala. Purihin ang Diyos sa Kanyang tagumpay, at pasalamatan si Cristo sa kanyang simpatiya sa atin.
Sa panahong dumaranas tayo ng paghihina sa espiritual na kalagayan, o nakakaramdam ng kabiguan sa buhay, tayo’y magpakumbaba nang may malaking pananalig na lumapit sa trono ng habag ng Diyos, na doon ay makasusumpong tayo ng kapatawaran, pagkalinga at habag. Manalig na ito ay makakamit natin sa pamamagitan ni Cristo.
Talakayan at Pagnilay-nilay
Detalyadong ilarawan si Cristo ayon sa Hebreo 4:14-16.
Bakit mahalaga sa mga tunay na sumasampalataya ang paglapit sa trono ng habag ng Diyos nang may tapat na pananalig?